Thumbnail

Imbestigasyon sa flood control na sinimulan ni Pangulong Marcos, nagbubunga na ng kaso, aresto, at pagbawi ng pondo – Palasyo

1 December 2025


Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mismo ang nagpasimula ng imbestigasyon sa mga kahina-hinalang proyekto ng flood control, na nagresulta sa patuloy na pag-aresto, pagsampa ng kaso, at pagsisikap na mabawi ang pondo ng publiko.

Ito ay nagpapakita ng matibay na determinasyon na papanagutin ang mga sangkot sa anomalya, ayon sa Malacañang nitong Lunes.

Binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang kasalukuyang kampanya ng administrasyon laban sa mga anomalya sa flood control ay nagmula sa direktiba ni Pangulong Marcos na alamin ang mga iregularidad at papanagutin ang mga responsable.

“Tandaan natin, ang Pangulo ang nagpasimula nito. Hindi mabubukas ang ating isipan, hindi mabubukas ang ating mga mata, hindi mabubukas ang ating tenga kung hindi mismo si Pangulong Marcos Jr. ang nagpasimula ng pag-iimbestiga na ito,” ayon kay Castro sa isang press briefing.

“Nais ng Pangulo na managot ang dapat na managot.”

Sa ngayon, ang Office of the Ombudsman ay nagsampa ng mga kaso at nakapagpakulong na ng mga indibidwal na umano’y sangkot sa mga ghost at maanomalyang proyekto ng flood control, ilang buwan lamang matapos ang Ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos noong Hulyo 28.

Ang mga kaso ay nirekomendda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na inatasan ng Pangulo na imbestigahan ang mga proyektong infrastructure sa nakalipas na 10 taon at maglikom ng ebidensiya sa mga taong umabuso sa pondo ng bayan.

Sinabi ni Castro na ang mga decisive na aksyon ni Pangulong Marcos sa mga anomalya sa flood control ay nagpapakita ng kanyang determinasyon na managot ang mga may sala.

“Siya ang nagpaimbestiga, hanggang ngayon ay maraming ginagawang aksiyon para mapanagot ang dapat na managot. Ang dami na napaaresto, marami na rin na kinasuhan, marami na naibalik na pondo,” dagdag pa ng Palace Press Officer.

Idinagdag pa ni Castro na ilang high-profile at maimpluwensyang indibidwal na ang kinasuhan at inaresto dahil sa patuloy na imbestigasyon. | PND