30 November 2025
“The President will not disappoint you.”
Tiniyak ng Malacañang sa publiko na determinado ang pamahalaan na bumuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot sa mga ghost projects at mga anomalya sa flood control upang makapasa sa masusing pagsusuri at hindi mabasura dahil lamang sa teknikalidad.
Binanggit ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na nagsusumikap ang administrasyon upang matiyak na ang mga kasong ito ay hindi mauuwi sa kaparehong kapalaran ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) cases, kung saan may ilang indibidwal na kalaunan ay nakaligtas sa pananagutan.
“’Yan ang iniiwasan natin. Kaya nga sinasabi ko kailangan matibay talaga ‘yung kaso na ihahain natin. So, sa ngayon, nag-build up tayo ng ating mga kaso, nag-iipon tayo ng mga ebidensya, and hopefully, the evidence will lead us to conviction of these people and mabawi natin ‘yung kanilang mga ninakaw,” ayon kay Gomez sa isang panayam sa DZMM nitong Linggo.
Sinabi ni Gomez na nananatiling lubos na nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng kampanya laban sa korapsyon na siya mismo ang nagpasimula, at binigyang-diin ang matatag na paninindigan ng administrasyon laban sa mga naglulustay ng pondo ng bayan.
“Narinig natin ang Pangulo noong huling ulat niya, at sabi nga niya na sinimulan ko ito at tatapusin ko ito. Ang Pangulo natin, hindi siya kukurap sa kahit anong mangyari. Tuloy-tuloy lang ang trabaho natin na panagutin ang dapat managot, bawiin ang mga ninakaw na yaman, at repormahin ang ating sistema. So, tuloy-tuloy yan, hindi kukurap ang Pangulo hanggang sa huli. Sinimulan niya ito at tatapusin niya ito,” dagdag pa ni Gomez.
Diin pa ni Gomez, bagaman isa pa lamang ang kasong nagresulta sa pag-isyu ng arrest warrants—kabilang ang laban sa dating mambabatas na si Zaldy Co—marami pang imbestigasyon ang aktibong nagpapatuloy.
“Nakita natin na naglabas na ‘yung mga arrest warrants kasama yung kay Zady Co, at may mga nahuli na at nakakulong na as we speak,” ani Gomez.
Ipinahayag din niya na ang mga pagsisiyasat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay malapit nang matapos, habang ilang kaso ay nakabinbin na sa Ombudsman.
“Ngayon isang kaso pa lang ‘yun. Alam natin na napakaraming kaso ang iniimbestigahan ngayon ng ICI at ng DPWH at malapit na isampa sa Ombudsman yung iba. Iba ay naka pending na sa Ombudsman. Ang Ombudsman naman nakapaghain na ng reklamo sa Sandiganbayan kaya na-release na itong arrest warrants na ito. So marami pa in the coming days at ginagarantiyahan ko sa inyo ang sinabi ng ating Pangulo, magkakatotoo ‘yun bago mag-Pasko,” dagdag pa ng PCO chief.
Nilinaw ni Gomez na hindi madi-distract ang Pangulo sa mga panawagang siya ay magbitiw.
“Ang ating Pangulo ay hindi madi-distract sa mga ganyang panawagan. Mayroon siyang responsibilidad na dapat gampanan. Ito ay tugisin yung mga may sala dito sa anti-corruption campaign na ito,” ayon sa PCO chief.
“Although yung mga calls na yan, ‘yung mga reklamo ng sambayanan, nararamdaman namin, naririnig namin sila, alam namin galit sila, alam namin na naiinip na sila. Pero this is what I can say, we hear you, we feel you, and we will not disappoint you. The President will not disappoint you,” pahayag ni Gomez. | PND
1 December 2025
1 December 2025
1 December 2025
1 December 2025
1 December 2025
1 December 2025
30 November 2025
30 November 2025
30 November 2025
30 November 2025
30 November 2025
30 November 2025
29 November 2025
28 November 2025
28 November 2025
28 November 2025
28 November 2025
28 November 2025
28 November 2025
27 November 2025