Thumbnail

Pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ukol sa paghahanda ng gobyerno sa Bagyong Marce

6 November 2024


Salubungin natin ang Bagyong Marce na may ibayong paghahanda, sa abot ng ating makakaya, alinsunod sa mga matagal ng nailatag na mga patnubay sa ganitong hamon.

Sa mga ahensya ng pamahalaan, you all know the drill. I am placing you all in high alert.

Simulan natin sa pagkasa ng isang maayos na sistema ng komunikasyon na mabilis maghahatid ng abiso at impormasyon sa mga mamamayan .

Tandaan na nakabatay ang kanilang pagkilos sa mga maagang warnings na inyong ipaaabot. Knowledge saves lives.

Siguraduhin na lahat ng ilog, lawa, baybayin at anumang lagusan ng tubig ay nasa ilalim ng 24-hour na pagmamatyag. Paulit-ulit ko ng sinasabi yan. Hindi ako magsasawang ulit-ulitin yan.

Sa mga dams na maapektuhan, ipinauubaya ko sa mga ekspertong kawani ng mga ito na sundin ang nararapat na hakbang batay sa existing protocols kung may nagbabadyang pag-apaw ng tubig.

Ikasa na rin ang lahat ng rescue equipment, sa lahat ng antas ng pamahalaan, sa lahat ng ahensya na maaaring mag-ambag ng mga kagamitan, lalo na mga sasakyan.

Ang mga relief goods ay dapat forward deployed na sa mga ligtas na imbakan upang mabilis silang maipamigay sa mga nasalanta.

Sa DPWH at DOTr, naka-standby kayo para sa road clearing operations. Gamitin nyo hindi lang ang inyong mga makinarya, mga truck, kasama rin dapat ang mga pribadong kumpanya na kalahok sa ating Build Better More infrastructure programs.

Ngayon pa lang pinapasalamatan ko na ang lahat ng medical personnel, sa publiko man o pribadong mga pasilidad, na nakaantabay na maglapat ng lunas sa mga nangangailangan.

Tandaan, ang bawat buhay ay mahalaga. Kaya dapat tayo ay laging handa, laging mag-iingat. ###