Thumbnail

PBBM, binuksan ang San Juanico Bridge sa two-way traffic; tiniyak ang full rehabilitation ng tulay sa susunod na taon

12 December 2025


Ang iconic na San Juanico Bridge ay bukas na sa two-way traffic matapos ang ilang buwan ng pagkukumpuni.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos nitong Biyernes sa mga taga-Samar at Leyte ang ganap na rehabilitasyon ng tulay kasunod ng muli nitong pagbubukas sa two-way traffic na limitado sa 15 tonelada ang bigat.

Sa kanyang inspeksyon sa San Juanico Bridge sa Tacloban City, sinabi ng Pangulo na matatapos ang buong pagkukumpuni sa susunod na taon. Binanggit din niya ang kahalagahan ng tamang maintenance ng mahahalagang imprastruktura upang maiwasan ang pagkaantala sa sosyo-ekonomikong aktibidad ng mga komunidad.

“I’m very happy that I’m able to say now, it is very close to our deadline. And so, the San Juanico Bridge is partially finished. It will be finished next year so that the bridge will be able to take again the load of 33 tons going both ways,” ayon sa Pangulo.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), natapos na ang portal shoring works na nagbibigay ng pansamantalang suporta sa istruktura upang ligtas na maisagawa ang retrofitting nang hindi nadaragdagan ang bigat sa tulay.

Dagdag pa ng DPWH, maaari nang madaanan ang two-way traffic ng naturang tulay na may 15-ton load limit para patuloy na makadaan ang mga motorista habang pinatitibay ito.

Noong Hunyo, bumisita ang Pangulo sa San Juanico Bridge at Amandayehan Port sa Basey, Samar upang pangasiwaan ang tugon ng pamahalaan sa emergency closure ng tulay na nakaapekto sa transportasyon at kalakalan sa Eastern Visayas.

Sa kanyang nasabing pagbisita, iniutos ng Pangulo sa DPWH na itaas ang load limit sa 12 metric tons bago matapos ang Disyembre at pabilisin ang rehabilitasyon ng tulayna nagdudugtong sa Samar at Leyte.

Ipinaliwanag rin ng Pangulo na ang pansamantalang pagsasara ng San Juanico Bridge ay kailangan para sa kaligtasan ng publiko matapos matuklasan ang matinding pinsala sa mga hindi nakikitang bahagi ng tulay dahil sa dekada nang kapabayaan dito.

“I hope that this serves as a lesson to all future administrators in government, to all government workers who have anything to do with this. The retrofit costs us PhP1.1 billion. That is money that we could have saved if proper maintenance was carried out on San Juanico,” sinabi ng Pangulong Marcos nitong Biyernes.

Dagdag pa ng Pangulo, dapat sana ay nasaklaw ng taunang badyet ng DPWH para sa maintenance at iba pang gastusin (MOOE) ang regular na pangangalaga sa San Juanico Bridge at iba pang kritikal na imprastruktura.

“Kaya again, I hope that this is a lesson to us and of all of those in the future whose responsibility will be to look after our thoroughfares, to always remember the experience of San Juanico Bridge that if we had only maintained it, we would have saved a great deal of problems,” diin pa ng Pangulo.

Itinayo noong 1969 at binuksan noong Hulyo 1973, ang San Juanico Bridge na may habang 2.15 kilometro ay nananatiling mahalagang lifeline ng Eastern Visayas at nagsisilbing pangunahing daanan para sa mga pamilya, kalakalan, at pag-unlad ng rehiyon. | PND