Thumbnail

PBBM pinangunahan ang groundbreaking ng kauna-unahang major agri-machinery factory sa Pilipinas

10 December 2025


Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang groundbreaking ng Korea Agricultural Machinery Industry Complex (KAMIC) sa Nueva Ecija — ang kauna-unahang malakihang pagawaan ng makinaryang pang-agrikultura sa bansa na inaasahang magpapalakas sa lokal na mekanisasyon sa pagsasaka, magpapataas ng produktibidad, at magpapababa ng pagdepende sa mga inaangkat na kagamitan.

Sa ginanap na groundbreaking ceremony sa Kalikid Golf Course sa Cabanatuan City, kinilala ng Pangulo ang mga sakripisyo at hamong kinakaharap ng mga magsasakang Pilipino, at binibigyang-diin na ang kanilang mga pagsubok ay nararapat gawan ng mga solusyong pangmatagalan at madaling maabot.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang produksiyon ng makabagong makinarya ng KAMIC ay may mahalagang papel sa modernisasyon ng operasyon ng mga magsasaka at pagpapagaan ng kanilang trabaho.

“The KAMIC is the first agricultural machinery production complex in the country. Its purpose is to strengthen our capacity to develop and build farm machinery (Ang KAMIC ay ang kauna-unahang agricultural machinery production complex sa bansa. Layon nitong pagtibayin ang ating kakayahan na makagawa at makapagbuo ng mga kagamitang pang-agrikultura,” ayon sa Pangulo.

“Designed with Filipino farmers in mind, these tools will help increase production, improve crop quality, and ultimately raise the income of our farmers (Ito ang mga makinaryang angkop sa ating pangangailangan upang mapataas ang produksyon at mapaganda ang kalidad ng ani nang sa gayon, mapalaki ang kita ng mga magsasaka sa ating bansa),” dagdag pa ng Pangulo.

Binigyang-diin din ng Pangulo na sa pamamagitan ng KAMIC, hindi na kailangang maghintay ng mga magsasaka para sa inaangkat na piyesa o gumastos ng sobra para sa mahal na kagamitan.

“No more farmers left behind in farming technology. The importance of mechanization in agriculture cannot be overstressed (Wala nang magsasakang mapag-iiwanan pagdating sa teknolohiyang pansakahan. Napakahalaga ng mekanisasyon sa agrikultura),” ayon sa Pangulo.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Pangulong Marcos sa South Korea sa kanilang pamumuhunan sa bansa, sabay pagtiyak na poprotektahan ng pamahalaan ang kanilang mga inilagak na investment.

“To our Korean partners, thank you for believing that the Philippines is worth investing in. Thank you also for trusting the Filipino farmer and for taking part in our shared progress. Our partnership brings technology and hope to these individuals who nourish and sustain us,” ang sabi ng Pangulo.

“I assure you that the government will continue to promote policies to protect your investments here in the Philippines.”

May kabuuang pamumuhunang USD100 milyon, itatayo ang KAMIC sa 20-ektaryang lupain na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan sa Barangay Kalikid Sur, Cabanatuan City.

Ang pasilidad ay gagawa ng makinaryang pang-agrikultura gaya ng traktora at seeder na angkop sa kalagayan ng pagsasaka sa Pilipinas. | PND